Aabot sa isanlibo hanggang limanlibong piso (P1,000 -P5,000) ang maaring kaharaping multa ng mga mahuhuling gagamit, gumagamit o nagpapaputok ng iba’t-ibang uri ng paputok sa pagsalubong ng bagong taong 2025 sa Cotabato City.
Ayon ito kay CCPO City Director PCol. Jibin Bongcayao at ito ay alinsunod sa pagpapatupad ng mandato at ordinansang 2144 serye ng taong 2003 at Batas Republika bilang 7183.
Nakapaloob sa nasabing mandato ng ordinansa ang mahigpit na pagbabawal, paggawa, pagbenta, pamimigay o posesyon ng kahit anumang uri ng paputok, legal man ito o iligal.
Ang mga lalabag ay papatawan ng kaparusahan na Una, pagmumultahin ng isan libong piso o pagkakakulong ng hindi hihigit sa isang buwan, Ikalawa na tatlong libo na multa o tatlong buwang pagkakakulong at pangatlo, limanlibong piso na multa o anim na buwang pag kakakulong.
Samantala, tinitiyak ng kapulisan sa lungsod na mas palalakasin pa nito ang pagpapatupad ng pagpapatrolya, kampanya kontra kriminalidad at laban sa iligal na droga upang maging maaliwalas, mapayapa at malayo sa anumang paghahasik ng karahasan sa lungsod.