Sa kasagsagan ng Mahal na Araw para sa mga kapatid nating Kristiyano, sinamantala naman ng ilang negosyante ang pagkakataong makapagkabuhayan sa pamamagitan ng pagtitinda ng pagkain at inumin para sa mga pasahero, tsuper, at konduktor sa terminal ng Mindanao Star Bus sa lungsod ng Cotabato.
Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Aling Miriam, isa sa mga tindera sa nasabing terminal, masaya nitong ibinahagi na maayos ang takbo ng kanilang bentahan.
Aniya, nauubos ang kanilang paninda gaya ng pastil, bunsod ng dagsa ng mga pasaherong patungo sa iba’t ibang destinasyon ngayong Holy Week.
Mula pa kahapon hanggang ngayong araw, umaabot umano sa tatlo hanggang apat na libong piso ang kanilang kinikita sa pagtitinda mula alas-dos ng madaling araw hanggang maghapon.
Ayon pa kay Aling Miriam, daan-daang katao ang bumibili sa kanila bawat araw ngayong Semana Santa, at umaasa silang mananatiling maganda ang daloy ng kanilang kita sa pagbalik ng mga pasaherong nagbakasyon sa labas ng probinsya.