Inatasan ng Office of the Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang lahat ng mga Minister, Deputy Ministers, at mga pinuno ng mga opisina at ahensya sa rehiyon na magsumite ng kanilang “unqualified courtesy resignation” bago o sa June 30, 2025.
Batay sa Memorandum Circular No. 007, nilagdaan ni Chief Minister Abdulraof A. Macacua, ang kautusan ay bahagi ng hakbang upang mapahusay ang kahusayan at bisa ng pagbibigay-serbisyo sa rehiyon sa pagtatapos ng transition period ng BARMM.
Ayon sa memorandum, ang kautusan ay tugon sa mga seryoso at matitinding reklamo na natanggap ng tanggapan. Binibigyang-diin sa dokumento na ang sinumang opisyal na mabigong magsumite ng courtesy resignation sa itinakdang petsa ay ituturing na awtomatikong nagbitiw sa posisyon.
Gayundin, ipinag-utos na ang lahat ng apektadong opisyal ay dapat magpatuloy sa kanilang pang-araw-araw na tungkulin ngunit limitado lamang sa mga routine functions habang wala pang aksyon sa kanilang resignation.
Ang kautusan ay epektibo kaagad at ipinag-utos para sa agarang pagpapatupad at mahigpit na pagsunod.