Pormal nang naisalin ang mga pasilidad na pang irigasyon na proyekto ng National Irrigation Administration- Maguindanao Irrigation Management Office.

Isinagawa ang naturang seremonyas sa lungsod ng Cotabato. Pinakikinabangan na ang apat na CIS o Communal Irrigation System na magpapatubig sa 436 na ektaryang sakahan ng 342 na mag-uuma sa bayan ng Datu Odin Sinsuat at Sultan Mastura sa Maguindanao del Norte at Guindulungan at Talayan sa Maguindanao del Sur.

Ayon sa NIA-MIMO Division Manager na si Engr. Khoemeini Oyod, pinaglaanan ng pamahalaan ng P66.2 milyong piso para ayusin ang mga lining canals upamg mas maging matibay at maayos ang mga daluyan ng tubig sa sakahan.

Ayon kay Oyod, tatlo sa mga ito tulad ng Tambu, Blue Lagoon at Macasampen CIS ay kinongkreto samantalang ang Timbaluan CIS ay muli namang inactivate upang mapakinabangan ng mga magsasaka sa Talayan kung saan ilang taon din itong di nagamit. Naiiba ang Timbaluan dahil ito ay Solar Powered na irrigation pump na tumutulong upang mapabilis ang pagkuha ng tubig sa ilog.

Binigyang diin ni Oyod na ang agrikultura ay isa sa mga prayoridad na programa ni PBBM upang matulungan ang mga magsasaka mula sa pagtatanim hanggang sa pagani nito. Umaasa naman ang opisyal na iingatan ng mga ito ang mga pasilidad upang magtagal at magamit pa ng mga magsasaka sa susunod pang panahon.