Naging sentro ng isang pulong-konsultasyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Sabado, Hulyo 19, ang pagsusulong ng mga pangunahing polisiya o priority policy directions sa Bangsamoro Parliament, bilang bahagi ng paghahanda sa patuloy na transisyon ng rehiyong Bangsamoro.
Pinangunahan ni MILF Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Alhaj Murad Ebrahim ang nasabing pulong, kasama ang mga senior members ng Central Committee, mga nominado ng UBJP, at kaalyado nitong mga kasalukuyang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Ebrahim ang kahalagahan ng kolektibong pamumuno o collective leadership, na isa sa mga pangunahing prinsipyo ng MILF at UBJP sa paggawa ng mahahalagang desisyon. Aniya, kailangang manatiling bukas sa konsultasyon ang bawat isa upang masigurong makatao at inklusibo ang pamumuno sa Bangsamoro.
Bukod sa mga direksyong pulitikal, natalakay rin sa pagpupulong ang nalalapit na First Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 2025, kung saan aktibong kalahok ang UBJP.
Patuloy namang isinusulong ng MILF at UBJP ang mas malalim na partisipasyon ng kanilang mga miyembro sa proseso ng transisyon upang makamit ang isang inklusibo, matatag, at makatarungang pamahalaan sa Bangsamoro region.