Nananatiling alerto at preparado ang Cotabato City Police Office (CCPO) ngayong Semana Santa upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko sa gitna ng paggunita ng Mahal na Araw.

Sa panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni PLT. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, na mas pinaigting pa ang police visibility sa mga matataong lugar gaya ng mga simbahan, pasyalan, malls, at iba pang pampublikong pook na inaasahang dadagsain ng mga mamamayan ngayong bakasyon.

Bukod dito, aktibo rin ang mga Police Assistance Desks na inilatag sa iba’t ibang lugar upang agad makatugon sa anumang pangangailangan o aberya. Patuloy rin ang masusing pagmamatyag ng kapulisan sa bawat sulok ng lungsod upang maiwasan ang anumang banta sa seguridad.

Hindi rin nagpabaya ang Traffic Enforcement Unit ng CCPO na kasalukuyang naka-deploy sa mga pangunahing lansangan upang kontrolin ang posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Bagama’t wala pang naitatalang untoward incidents o anumang kaguluhan, tiniyak ni Evangelista na hindi magpapakampante ang puwersa ng pulisya at mananatiling naka-alerto hanggang sa pagtatapos ng Semana Santa.