Naglabas ng bagong direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na layong paigtingin ang kahusayan ng mga pulis sa paggamit ng kanilang armas. Ayon sa hepe, babawiin ang service firearm ng sinumang pulis na hindi makapasa sa itinakdang marksmanship proficiency test.
Inihayag ito ni PGen. Torre sa isang panayam, kaugnay ng nakatakdang pagsusulit para sa mga miyembro ng PNP sa susunod na buwan. Magsisimula umano ang pagsasanay at pagsusuri mula sa mga matataas na opisyal hanggang sa mga patrolman.
Sa gitna ng panayam, pabirong pahayag ni Torre, ang mga pulis na babagsak ay papalitan ng bolo ang kanilang baril—isang simbolikong paraan ng pagpapakita ng kahalagahan ng kasanayan sa baril sa hanay ng kapulisan.
Dagdag pa ng hepe, magiging bahagi na rin ng batayan sa promosyon ng mga pulis ang marksmanship, bukod sa dami ng naarestong kriminal at pisikal na kahandaan ng bawat tauhan.