Isinuko ng mga residente ng Datu Unsay, Maguindanao del Sur ang ilang loose firearms sa tropa ng pamahalaan bilang bahagi ng pagpapatibay sa kapayapaan at seguridad. Ginawa ang turnover ceremony sa Municipal Compound, Barangay Meta noong Setyembre 30, 2025.

Ayon kay Brigadier General Edgar Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, naging posible ang pagsuko ng mga armas dahil sa pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at ng lokal na pamahalaan ng Datu Unsay.

Dumalo rin sa seremonya si Mayor Datu Andal S. Ampatuan V kasama ang iba pang lokal na opisyal, at nagpahayag ng suporta sa kampanya upang gawing loose firearms-free ang kanilang bayan.

Kabilang sa mga isinukong armas at pampasabog ang isang M1 Garand rifle, isang RPG na may launcher, isang 81-mm round ng bala, isang M203 grenade launcher, dalawang Uzi submachine guns, dalawang 81-mm mortar tubes, at isang .60-caliber rifle. Agad itong isinailalim sa kustodiya ng Datu Unsay Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.

Pinuri ni Major General Donald Gumiran, Commander ng Joint Task Force Central, ang mga residente sa kanilang kooperasyon. Aniya, ang kusang pagsuko ng armas ay malinaw na patunay ng tiwala ng mamamayan sa sektor ng seguridad at mahalagang hakbang tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan.

Samantala, binigyang-diin ni Brigadier General Romulo Quemado II, Acting Commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na ang hakbang na ito ay nagpapakita ng commitment ng mga residente para sa kapayapaan at ng kanilang kumpiyansa sa mga inisyatiba ng pamahalaan para sa seguridad at kaayusan sa probinsya.

Tiniyak naman ng WestMinCom, katuwang ang AFP, PNP, at mga LGU, na patuloy nilang paiigtingin ang mga hakbang upang matukoy at makuha pa ang mga natitirang loose firearms bilang bahagi ng pambansang kampanya para sa kapayapaan at seguridad.

VIA Western Mindanao Command, AFP