Ilang armas at pampasabog mula sa mga bayan ng Pahamudin, Nabalawag, at Kadayangan sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro region ang isinuko ng mga residente at iprinisenta ngayong Huwebes, Agosto 21, sa kampo ng 34th Infantry “Reliable” Battalion sa Barangay Salunayan.

Pinangunahan ng 34th IB, sa pamumuno ni Lt. Col. Edgardo Batinay, ang presentasyon na dinaluhan din ni 602nd Infantry Brigade Commander BGen Ricky Bonayog, kasama ang iba pang opisyal ng militar at pulisya. Bahagi ito ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons Management Program na naglalayong sugpuin ang paglaganap ng loose firearms at tiyakin ang seguridad sa rehiyon.

Nakisama rin sa aktibidad sina PLTC Roy Subsuban ng SGA-BARMM, LTC John Miridel Calinga ng CPPO, MSgt Erwin Sante ng EOD team, at Maj. James Carl Teaño ng 602nd CMO Company. Hindi rin nagpahuli sa pagbibigay-suporta sina Nabalawag Mayor Datu Rhenz Tukuran at Kadayangan Municipal Administrator Jan Paried Mascud.

Ayon sa mga lokal na opisyal, ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay malinaw na pagpapakita ng kagustuhan ng mga mamamayan na makiisa para sa kapayapaan at kaayusan sa kanilang lugar. Umaasa ang mga residente na magbubunga ito ng mas ligtas at mas tahimik na pamayanan.