Nagkaloob ng ayuda ang mga kinatawan ng U.S. Embassy sa mga residente ng Barangay Malatimon, Ampatuan, Maguindanao del Sur na naapektuhan ng pagbagsak ng isang pribadong eroplano noong Pebrero 6, 2025. Isinagawa ang turn-over ng cash assistance sa Headquarters ng 601st Brigade sa Barangay Kamasi, Ampatuan nitong December 8, 2025.

Muling nakipagpulong ang mga opisyal ng U.S. Embassy kay Barangay Chairman Sherad Malang, kasama sina Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, at Major Saber Balogan ng CMO 601st Brigade, upang iproseso ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektado ng insidente.

Ang mga benepisyaryo ay kinabibilangan nina Bainola Akan, may-ari ng kalabaw na naperwisyo sa aksidente; Ali Lakiman, may-ari ng nasirang taniman ng palay; at Basit Akan, may-ari ng lupang tinamaan ng pagbagsak ng eroplano.
Ayon sa mga kinatawan ng U.S. Embassy at lokal na opisyal, patuloy ang kanilang koordinasyon at pagtutulungan upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente na naapektuhan ng insidente.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Ali Lakiman, isa sa mga benepisyaryo, at sinabi na malaking tulong sa kanilang pamilya ang ibinigay na suporta upang makabangon mula sa pinsalang natamo. Samantala, ipinahayag ni BGen. Catu ang pasasalamat ng 601st Brigade sa mabilis na aksyon at kooperasyon ng U.S. Embassy, kasabay ng pagtitiyak na magpapatuloy ang koordinasyon para sa kapakanan at seguridad ng komunidad.


















