Magandang balita para sa mga kabataang lider! Ayon sa Civil Service Commission (CSC), maaari nang pagkalooban ng civil service eligibility ang mga halal at itinalagang opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa ilalim ng ilang kundisyon.

Batay sa CSC Resolution No. 2500752, o ang Rules Governing the Grant of Eligibility to SK Officials na ipinalabas noong Hulyo 24, 2025, ang mga SK official na nakatapos ng tatlong taong termino o katumbas nito at may maayos na katayuan sa serbisyo ay kwalipikado para sa Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE).

Ayon sa CSC, ang SKOE ay maaaring gamitin para sa mga first-level positions sa pamahalaan, maliban sa mga posisyong nangangailangan ng board examination o espesyal na eligibility.

Ipinaliwanag ni CSC Chairperson Atty. Marilyn B. Yap na ang pribilehiyong ito ay pagkilala sa mahalagang papel ng kabataan sa nation-building at sa kanilang ambag sa pampublikong serbisyo.

“Sa pamamagitan ng SKOE, binibigyan natin ng pagkakataon ang mga kabataang lider na ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa gobyerno at sa sambayanang Pilipino,” ani Yap.

Sakop ng SKOE ang mga SK official na nanungkulan mula Hunyo 1, 2022, kasabay ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11768 o SK Reform Act of 2015. Kasama rito ang mga SK member na halal ng Katipunan ng Kabataan (KK), gayundin ang mga SK secretary at treasurer na itinalaga ng SK chairperson sa pahintulot ng karamihan sa SK council.

Nilinaw naman ng CSC na ang mga SK chairperson ay hindi sakop ng SKOE dahil sila ay kabilang sa Barangay Official Eligibility (BOE) alinsunod sa Batas Pambansa Blg. 337 at Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991.

Maaari nang mag-apply para sa SKOE simula Oktubre 4, 2025, sa CSC Regional Office na may hurisdiksyon sa barangay kung saan nagsilbi ang aplikante. Maaari ring magsumite sa alinmang CSC Regional o Field Office na pinakamalapit sa tirahan o pinagtatrabahuhan ng aplikante.

Para sa kumpletong detalye, maaaring basahin at i-download ang buong kopya ng CSC Resolution No.