Umaaray ngayon ang ilang manininda sa pampublikong palengke ng lungsod matapos umanong malugi dahil sa pagbubukas ng isang malaking pamilihan o mall sa lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato, ibinahagi ni Babo, isang tindera ng gulay sa supermarket ng palengke, na nabubulok na lamang ang kanilang mga paninda dulot ng mababang benta.

Aniya, inaangkat pa nila ang mga ito ngunit hindi naibebenta dahil mas pinipili na ng mga mamimili ang mas murang bilihin sa bagong mall.

“Dati, madaling maubos ang mga gulay gaya ng kamatis at sayote. Ngayon, inaabot na ng ilang linggo dito sa pwesto namin,” ani Babo.

Dagdag pa niya, apektado na rin ang kanilang kabuhayan at kinabukasan ng kanilang pamilya dahil umaasa lamang sila sa maliit na kita mula sa kanilang paninda.

Dahil dito, nananawagan ang mga apektadong manininda sa City LGU na agad gumawa ng hakbang upang tulungan sila at mapanatiling buhay ang kanilang kabuhayan sa merkado publiko.

Patuloy na umaasa ang mga manininda na maririnig ang kanilang hinaing sa gitna ng hamon sa kompetisyon sa pagitan ng malalaking negosyo at maliliit na tindero.