Nasamsam sa isinagawang routine checkpoint ng mga operatiba ang tatlumpu’t apat (34) na kahon ng samut saring sigarilyo na may halagang aabot sa P1.2 milyong piso kamakalawa ng gabi sa Zone 3, Barangay Tulay sa Jolo, Sulu.

Ayon sa ulat ng Jolo PNP, isang gray na FX ang kanilang pinara ngunit mabilis na tumalilis ang driver at pahinante ng FX.

Nang mainspeksyon ng kapulisan, dito na tumambad ang tatlumpu’t apat (34) na kahon ng isang brand na may total estimated value na P37,000.00 per box at aabot sa P1.2 milyong piso ang halaga.

Pinaghahanap pa rin ng kapulisan ang mga suspek habang ang mga nakumpiskang sigarilyo ay dadalhin sa Jolo MPS para sa tamang disposisyon at dokumentasyon.