Pabor ang mga opisyal sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Republic Act No. 12317, na naglilipat sa unang parliamentary elections sa rehiyon sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026.

Ayon sa batas, simula Mayo 2031, isasabay na ang mga susunod na halalan sa BARMM sa national at local elections.

Sinabi ni Maguindanao del Sur Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu na tama ang paglipat ng halalan upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga kandidato at botante sa paghahanda. Hinimok din niya ang mga bagong botante, lalo na ang kabataan, na magparehistro bago ang takdang panahon upang makapili ng mabubuting lider.

Aniya, isang biyaya para sa mga Muslim ang pagkakataong ito dahil makakapili sila ng lider na makakatugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad. Umaasa rin si Mangudadatu na magiging mapayapa at maayos ang halalan, at magsilbi ng tapat ang mga mananalo.

Samantala, sinabi ni Acting Senior Minister Abdullah M. Cusain na handa ang Office of the Chief Minister sa paghahanda ng eleksyon at tiniyak na magiging malinis, maayos, at tapat ang proseso. Ayon sa kanya, tuloy-tuloy ang kanilang preparasyon kahit ilang beses nang naurong ang halalan at nakikipag-ugnayan sila sa Commission on Elections (COMELEC) para sa maayos na pagpapatupad.

Giit naman ni Mohajirin Ali ng United Bangsamoro Justice Party at MILF na matagal na nilang hinihintay ang halalan at handa na sila kahit ilang beses na itong nausog. Aniya, maganda ang bagong iskedyul dahil muling makakapagpatuloy ang kanilang paghahanda, at mahalaga ang eleksyon upang mas mapalakas ang pamahalaan sa BARMM.

Sa kabuuan, naniniwala ang mga opisyal na ang halalang ito ay makakatulong sa mas maayos na pamahalaan, pagkakaisa, at kapayapaan sa rehiyon.