Limang lalaki ang naaresto matapos salakayin ng mga operatiba ng Police Station 3 ang isang iligal na pagsusugal sa Purok Islam, Mother Barangay Tamontaka, Cotabato City.
Ayon kay Police Station 3 Commander PMaj. Albert Carillo, kinilala ang mga nahuling sugarol na sina alyas Jake, 38 anyos; Mua, 35 anyos; Uting, 27 anyos; Teng, 41 anyos; at Dagul, 21 anyos. Lahat sila ay residente ng nasabing lugar at nahuli sa aktong naglalaro ng “Tong-Its.”
Sa ulat ng pulisya, maingat nilang isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa ginagawang pagsusugal sa lugar.
Matapos kumpirmahin ang aktibidad, dahan-dahang nilusob ng mga operatiba ang pinaglalaruang puwesto ng mga suspek, dahilan upang sila ay mabigla at hindi na makatakbo.
Nakuha sa lugar ang isang set ng baraha at perang ginagamit sa pustahan, kabilang ang isang ₱100 bill, tatlong ₱50 bill, dalawang ₱20 bill, dalawang ₱5 coin, at limang ₱1 coin.
Agad dinala sa kustodiya ng Police Station 3 ang mga suspek para sa kaukulang imbestigasyon.
Posible silang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 na may kaugnayan sa Republic Act 9287, na nagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa iligal na sugal.
Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang publiko na iwasan ang anumang uri ng ilegal na sugal at ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang ganitong mga aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.