Muling nagkaroon ng engkuwentro ang mga tropa ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army laban sa mga natitirang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isla ng Mindoro nitong Huwebes ng umaga, Setyembre 26, sa Sitio Banayong, Barangay Manaul, Mansalay, Oriental Mindoro.
Nag-umpisa ang sagupaan na tumagal ng humigit-kumulang 10 minuto habang nagsasagawa ng operasyong pangseguridad ang militar, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa presensya ng armadong grupo na umano’y nangongotong sa lugar. Umatras ang mga rebelde matapos ang sagupaan, ngunit may naiwan silang bakas ng dugo sa pinangyarihan na patuloy pang iniimbestigahan para malaman kung may nasawi o nasugatan sa kanilang hanay.
Isang sundalo ang bahagyang nasugatan ngunit nasa maayos nang kalagayan.
Narekober ng mga sundalo sa lugar ng engkuwentro ang isang low-powered na baril, isang generator set, commercial na drone, body camera, Android tablet, at iba pang kagamitang pandigma.
Ito na ang ikalawang engkuwentro sa nasabing lalawigan ngayong buwan. Ang huli ay naganap noong Setyembre 9 sa bayan ng Roxas, kung saan napatay ang isang miyembro ng NPA at nakumpiska rin ang ilang armas.