Daan-daang mga Palestino ang pumila sa mahabang linya sa labas ng isang pansamantalang soup kitchen sa Khan Younis, Gaza nitong Lunes, Agosto 4, dala-dala ang kanilang mga kalderong walang laman, umaasang makakakuha kahit kaunting rasyon ng bigas o lutong pagkain.

Ayon kay Hassan Abu Zayed, 62 taong gulang, maaga pa lamang ay naghihintay na siya upang may makain ang mga bata sa kanilang pamilya. Marami pa rin, aniya, ang hindi pa rin nabibigyan ng anumang tulong.

Ibinunyag ng health ministry ng Gaza na lima pang katao ang nasawi sa nakalipas na 24 oras dahil sa gutom o malnutrisyon.

Dahil dito, umakyat na sa 180 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa gutom mula nang magsimula ang digmaan, kabilang na rito ang 93 bata.

Ayon sa mga ahensya ng United Nations, hindi sapat ang mga food airdrops, at kinakailangang mapabilis ang pahintulot ng Israel para sa pagpasok ng mas maraming ayuda sa Gaza sa pamamagitan ng mga rutang panlupa.

Samantala, sinabi ng COGAT, ang ahensya ng militar ng Israel na nangangasiwa sa koordinasyon ng ayuda, na mahigit 23,000 toneladang humanitarian aid na sakay ng 1,200 truck ang naipasok sa Gaza nitong nakaraang linggo. Gayunpaman, daan-daang truck pa ang hindi pa naipapamahagi sa mga aid distribution hubs ng U.N. at iba pang internasyonal na organisasyon.