Pinarangalan ng Philippine Army, sa pangunguna ni Commanding General Lt. Gen. Roy M. Galido, ang mga piling yunit sa ilalim ng 6th Infantry (Kampilan) Division dahil sa kanilang kahanga-hangang kontribusyon sa seguridad at kapayapaan sa Mindanao. Ang awarding ceremony ay ginanap ngayong Hulyo 23, 2025 sa 6ID Grandstand, Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Kabilang sa ginawaran ng CGPA Major Engagement Streamer ang 603rd Infantry (Persuader) Brigade at 37th Infantry (Conqueror) Battalion dahil sa matagumpay nilang operasyon laban sa mga Communist Terrorist Groups (CTGs) sa Kalamansig, Sultan Kudarat noong Hunyo 19 hanggang 22, 2025. Anim na CTG members ang naneutralisa at anim na high-powered firearms ang nakumpiska.
Tumanggap din ng parehong pagkilala ang 34th Infantry (Reliable) Battalion mula sa 11th ID, sa pangunguna ni Lt. Col. Edgardo Batinay, matapos madakip ang 21 local terrorists at makasamsam ng 21 matataas na kalibre ng armas sa Aleosan at Midsayap, North Cotabato.
Samantala, ginawaran naman ng CGPA Significant Accomplishment Streamer ang ilang yunit dahil sa tagumpay sa mga clearing operations at election-related security missions mula 2024 hanggang 2025. Kabilang dito ang 601st Infantry (Unifier) Brigade, 6th Infantry (Redskin) Battalion, 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, 62nd Reconnaissance (Warhawks) Company, at 6th Mechanized Infantry (Salaknib) Battalion.
Ang 6th Civil-Military Operations (Kasangga) Battalion naman ay ginawaran ng CGPA Kalasag Streamer at dalawang Kaunlaran Streamers dahil sa matagumpay na humanitarian at disaster response operations na nakatulong sa mahigit 10,000 katao sa Cotabato City, Maguindanao, at Sultan Kudarat. Pinarangalan din ang unit sa matagumpay na pagpapasuko ng 10 miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group at 5 miyembro ng BIFF-Karialan faction noong Mayo at Marso 2025 sa Datu Saudi Ampatuan.
Sa kanyang mensahe matapos ang parangal, pinuri ni Lt. Gen. Galido ang dedikasyon at propesyonalismo ng mga Kampilan Troopers, at hinikayat silang ipagpatuloy ang kanilang suporta sa kapayapaan at nation-building. Pinagtibay rin ni Maj. Gen. Donald Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng militar at mamamayan upang mapanatili ang kaayusan sa rehiyon.
Ang seremonya ay nagsilbing pagpupugay sa kabayanihan ng mga sundalo at patunay ng matibay na paninindigan ng Philippine Army para sa kapayapaan at seguridad sa Mindanao.