Patuloy na naaapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East. Ayon kay Prof. Emmanuel Leyco, ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay bunga ng limitadong supply mula sa Strait of Hormuz, isa sa pinaka-importanteng ruta ng krudo sa buong mundo.

Binanggit din ni Leyco na maaari pang lumala ang sitwasyon kung tuluyan ngang matutuloy ang worst-case scenario na nabanggit ni US President Donald Trump, na posibleng tumagal ng higit apat na linggo.

Dahil umaasa ang bansa sa imported na krudo mula sa pribadong kumpanya, limitado ang kakayahan ng pamahalaan na kontrolin ang presyo. Ang tanging hakbang na ipinapatupad ay pagbawas ng konsumo ng petrolyo at paghikayat sa pribadong sektor na magtipid.

Nagbabala rin ang mga negosyante na maaari ring maapektuhan ang export ng bansa dahil sa posibleng pagkaantala ng mga supply o embargo, lalo na’t maraming raw materials na ginagamit ng industriya sa Pilipinas ay galing sa Middle East.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), apektado ng krisis ang energy security, presyo ng mga bilihin, at kalagayan ng mga OFWs sa rehiyon.

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ramdam na rin ng mga mamimili at industriya ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, habang lumalaki ang panganib sa supply chain ng export products ng bansa.