Bumisita kahapon sa Commission on Elections (COMELEC) sina MILF at UBJP leaders Murad Ebrahim at Mohagher Iqbal upang personal na makipagdayalogo kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia kaugnay ng paghahanda sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Oktubre 13.
Ayon kay Ebrahim, tiniyak ni Chairman Garcia na tuloy ang halalan sa rehiyon, ngunit para lamang sa 73 parliamentary seats, habang nananatiling wala pang resolusyon para sa 7 posisyon mula sa Sulu.
Dagdag pa ni Ebrahim, bukas ang kanilang panig sakaling magtakda ang COMELEC ng isang special election para punan ang bakanteng pitong pwesto, depende na rin sa magiging pasya ng ibang sangay ng pamahalaan.
Samantala, inihayag naman ni Iqbal na nakatakda na nilang isumite sa parlyamento ang committee report kaugnay sa usapin ng apportionment. Aniya, dadaan pa ito sa masusing proseso bago mapagdesisyunan.
Ang halalan sa Oktubre ay inaasahang magiging mahalagang hakbang patungo sa mas matatag na parliamentary governance sa rehiyon ng Bangsamoro.