Isinagawa ng mga Base Commander ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF) mula sa lalawigan ng Lanao del Sur ang isang makabuluhang courtesy visit kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua noong Sabado, Marso 22.
Pinangunahan ang pagbisita ni North Eastern Mindanao Front Commander at kasalukuyang Member of Parliament (MP) Jannati Mimbantas, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng BIAF-MILF.
Layunin ng nasabing pagbisita ang pagpapakita ng respeto, pakikiisa, at pagtibayin ang ugnayan sa pamunuan ng bagong administrasyon ng Bangsamoro Government.
Sa kanilang pagpupulong, ipinaabot ng mga opisyal ng BIAF-MILF ang kanilang buong suporta at tiwala sa pamumuno ni Chief Minister Macacua.
Ayon sa kanila, buo ang kanilang paninindigan na makipagtulungan sa kasalukuyang pamahalaang rehiyonal upang isulong ang kapayapaan, kaunlaran, at patuloy na implementasyon ng mga reporma para sa kapakanan ng mamamayang Bangsamoro.
Binigyang-diin din sa pagpupulong ang kahalagahan ng pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng sektor ng revolutionary forces at ng pamahalaang Bangsamoro upang mapanatili ang katatagan ng rehiyon at maipagpatuloy ang nasimulang adhikain ng Bangsamoro struggle sa mapayapang pamamaraan.
Nagpasalamat naman si Chief Minister Macacua sa ipinakitang suporta ng mga MILF-BIAF commanders at tiniyak niyang bukas ang kanyang administrasyon sa tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan at pagtutulungan para sa ikabubuti ng buong rehiyon.