Ipinahayag ng Conservative Bangsamoro ang kanilang matinding pagkabahala at mahigpit na pagkondena sa mga derogatoryong biro ng LGBTQ comedian na si Tekla, na ginawa nito sa isang kamakailang pagtatanghal. Ayon sa grupo, inilalarawan ni Tekla ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) bilang “kalaban ng lipunan” at ipinahiwatig na maaaring hamakin o talunin ang kilusan sa pamamagitan ng mga sekswal na akto ng mga miyembrong gay.

Binanggit ng Conservative Bangsamoro na ang ganitong uri ng pahayag ay hindi lamang walang responsibilidad kundi nakasisira rin sa pagkilala sa kasaysayan at pakikibaka ng mga Bangsamoro.

Binigyang-diin ng grupo na ang MILF, bilang isang rebolusyonaryong organisasyon na lumagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at nakipagtulungan sa pamahalaang Pilipino para sa kapayapaan sa Mindanao, ay may sentrong papel sa pagtataguyod ng self-governance sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ang pagbibiro sa naturang organisasyon ay humahamak sa mga dekadang sakripisyo para sa kapayapaan, dignidad, at katarungan ng Bangsamoro.

Ayon pa sa Conservative Bangsamoro, ang pahayag ni Tekla ay nagrerepresenta ng kawalang-sensitibo sa kultura at politika ng rehiyon.

Sa kasalukuyang panahon kung kailan pinapalakas ng Bangsamoro ang kapayapaan at pagkakaisa, ang ganitong biro ay maaaring magpalala ng prehudisyo at magpatibay ng maling stereotype laban sa Bangsamoro at sa kanilang lehitimong institusyon.

Dahil dito, nananawagan ang Conservative Bangsamoro kay Tekla na humingi ng pampublikong paumanhin sa MILF at sa buong komunidad ng Bangsamoro.

Hinihikayat din nila ang mga LGBTQ organizations at advocates sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ikontra at kondinahin ang ganitong pahayag at muling ipakita ang kanilang respeto sa kultura at pagkakaiba-iba.

Pinananatili ng Conservative Bangsamoro ang kanilang paninindigan sa pagtatanggol ng dignidad ng Bangsamoro at ang pagpapalaganap ng mga prinsipyo na matagal nang ipinaglalaban ng MILF.