Naghayag ng kapighatian at ng pagpupugay si Moro Islamic Liberation Front o MILF Central Committee Chairman Alhaj Murad Ebrahim kay Bangsamoro Transition Authority Speaker Atty. Pangalian “Ali” Balindong na pumanaw kahapon bunsod ng karamdaman sa idad na 85 sa St. Lukes Hospital sa kalakhang Maynila.

Sa naging pahayag ni Ebrahim, mananatili umanong isang walang hanggang paghuhugutan ng inspirasyon ang isinakripisyong oras sa paglilingkod ni Speaker Balindong para sa kapayapaan, katarungan at self determination ng rehiyon.

Inspirasyon aniya ito habang ipinagpapatuloy ng kanyang mga naiwan ang pakikibaka na para sa mga mithiin ng bayan.

Saad pa ni Ebrahim, ang kanyang talino, kapakumbabaan at hindi natitinag na dedikasyong itaguyod ang adhikain ng kanyang kapwa Bangsamoro ay magiiiwan ng isang malalim na legasiya ng paglilingkod na kailanman ay hindi malilimutan ng mamamayan.

Nagsadya si Ebrahim sa mismong tahanan ni Speaker Balindong sa Lanao del Sur kagabi kasama ang mga opisyales ng MILF upang makisimpatiya sa pamilya nito at magbigay pugay sa huling pagkakataon kay Speaker Ali.