Nagpaabot ng pagbati at panalangin si MILF Chair at UBJP President Al Haj Murad Ebrahim sa buong Muslim Ummah, lalo na sa mamamayan ng Bangsamoro, kasabay ng pagpasok ng banal na buwan ng Ramadan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Ebrahim na ang Ramadan ang pinakabanal na buwan sa Hijri calendar at may malalim na kahalagahang espiritwal at historikal sa mga Muslim sa buong mundo dahil sa pagkakapahayag ng Banal na Qur’an.
Binigyang-diin din niya na ang pag-aayuno ay panahon ng pagninilay, disiplina sa sarili, at pagpapatatag ng pananampalataya at debosyon kay Allah Subhanahu wa Ta’ala.
Hinimok ng opisyal ang bawat Bangsamoro na gamitin ang Ramadan bilang pagkakataon upang higit pang palakasin ang pagkakaisa, pagtutulungan, at kapayapaan sa rehiyon.
Dagdag pa niya, nararapat umanong pagtibayin ang diwa ng pagbibigayan, paggalang, at malasakit sa isa’t isa anuman ang pinagmulan at pagkakaiba, tungo sa isang mapayapa at maunlad na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Umaasa rin si Ebrahim na tanggapin nawa ng Allah ang pag-aayuno, mga panalangin, at mabubuting gawa ng bawat isa sa banal na buwang ito.
Nagtapos ang kanyang mensahe sa pagbating, “Ramadan Mubarak.”

















