Ibinahagi ni dating Bangsamoro Chief Minister at kasalukuyang pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang isang makasaysayang pagbabalik-tanaw sa naging paglalakbay ng Bangsamoro sa landas ng kapayapaan, sa isinagawang General Assembly ng MILF ngayong araw.
Dinaluhan ng tinatayang 186,000 na miyembro at tagasuporta ng MILF, ginanap ang pagtitipon sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Isa ito sa mga pinakamalaking pagtitipon ng kilusan sa mga nagdaang taon.
Sa kanyang talumpati, inalala ni Ebrahim ang mahahalagang yugto sa kasaysayan ng MILF, simula noong Hulyo 18, 1997 nang magsimula ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at pamahalaan sa pamamagitan ng Ceasefire Accord.
Aniya, ito ang naging pundasyon ng mga sumunod na mekanismo para sa kapayapaan.
Partikular na binigyang-diin ni Ebrahim ang kahalagahan ng pagkakalagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro noong Marso 2014, na sinundan ng Bangsamoro Basic Law na naipasa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) noong Abril ng parehong taon—mga kasunduang tinawag niyang “landmark agreements” sa kasaysayan ng MILF at ng bansa.
Hindi rin umano naging madali ang kanilang tinahak.
Kabilang na rito ang trahedya sa Mamasapano noong Enero 2015, na pansamantalang humadlang sa usad ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ngunit sa tulong ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, muling nabuksan ang daan tungo sa kapayapaan hanggang sa matagumpay na naisagawa ang plebesito noong 2019.
Giit ni Ebrahim, napatunayan sa naging resulta ng plebesito na walang imposible basta’t nagkakaisa ang pamahalaan, mamamayan, MILF at maging ang MNLF sa iisang layunin.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, inihayag ni Ebrahim na ang tagumpay ng Bangsamoro ay bunga ng kanilang pananalig sa Allah(SWT) — na Siyang patuloy nilang pinanghahawakan mula noon hanggang ngayon.