Umaasa si MILF Chairman at Former Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na si Ahod Balawag Ebrahim na matutuloy ang kauna-unahang halalan para sa Bangsamoro Parliament sa darating na Oktubre.
Sa panayam, inamin ni Ebrahim na may mga hamon pa ring kinahaharap ang transition period mula sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) tungo sa mas pinalawak at pinalakas na BARMM.
Ayon sa kanya, “medyo challenging” ang proseso, lalo na’t naaapektuhan pa rin ang operasyon ng ilang bahagi ng council government.
Gayunpaman, nagpahayag siya ng matinding pag-asa na maisakatuparan ang eleksyon sa itinakdang petsa.
Aniya, mahalagang hakbang ito para sa ganap na demokratikong pamamahala ng rehiyon, alinsunod sa isinasaad ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ang itinuturing na pangunahing partidong politikal ng MILF, na inaasahang lalahok sa halalan at magtataguyod ng kanilang mga kandidato para parliament.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanda ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa tulong ng Commission on Elections (COMELEC) upang matiyak ang maayos at mapayapang halalan sa rehiyon—isang makasaysayang hakbang tungo sa ganap na pamamahalang Bangsamoro.