Patuloy pang inoobserbahan sa pagamutan ang kalagayan ng MILF commander at pinsan nito matapos silang pagbabarilin kahapon sa bahagi ng Poblacion Dalican sa bayan ng Datu Odin Sinsuat Maguindanao Norte.

Kinilala ni DOS Police Chief Lt. Col. Samuel Subsuban ang mga biktima na sina Garante Tumanggomg Kawilan na sinasabing commander umano ng 104th Base Command ng MILF at ang pinsan nito na kinilala sa alyas na Guiamaludin na residente ng nasabing barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na sakay ng puting mini van ang mga biktima ng bigla silang pagbabarilin ng di pa tukoy na mga gunmen.

Hinihintay pa sa ngayon ang ballistic report ng SOCO at posibleng kalibre 45 na pistola ang ginamit sa pamamaril base na rin sa mga basyo na nakuha sa pinangyarihan.

Iniimbestigahan pa rin sa ngayon ng kapulisan ang puno’t dulo ng insidente.