Nilinaw ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na wala pang pormal na komunikasyon sa kanila hinggil sa pagsasagawa ng Voters’ Education para sa Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).
Sa opisyal na pahayag na pirmado ni MILF Chairman at BIAF Commander-in-Chief Al Haj Murad Ebrahim, binigyang-diin nito na handa siyang suportahan ang anumang koordinadong hakbang na layong masiguro ang mapayapa, tapat at maayos na pagdaraos ng 2025 Parliamentary Election.
Tinukoy din sa pahayag na isasagawa ang halalan sa Camp Darapanan, ang opisyal na punong himpilan ng BIAF.
Hinimok naman ni Ebrahim ang mga kasapi ng MILF at ang mamamayang Bangsamoro na maging mapagmatyag sa pagbabahagi ng impormasyon upang maiwasan ang kalituhan sa hanay ng kanilang organisasyon.
Sa huli, nanawagan ito ng pagkakaisa para sa kapayapaan at pagkakaunawaan sa rehiyon.
Samantala, nakatakdang idaos bukas, Setyembre 6, 2025, ang isang BIAF Grand Rally sa Grand Mosque sa Kalanganan 2, Cotabato City. Inaasahan ang pagdalo ng mahigit 100,000 BIAF members at supporters.
Nanawagan rin pamunuan ng MILF-BIAF ng pagkakaisa tungo sa kapayapaan at pagkakaunawaan sa buong Bangsamoro.