Kumpiyansa ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na mananatiling MILF-led ang pamumuno sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasunod ng inaabangang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na gaganapin ngayong darating na Oktubre.
Sa press conference ngayong araw, sinabi ni UBJP President at MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na nananatiling buo ang samahan ng partido, at sama-samang nagtataguyod ang kanilang mga miyembro sa iisang layunin—ang ipagpatuloy ang nasimulan ng pamahalaang Bangsamoro.
Ayon kay Ebrahim, mahalagang manatiling nasa pamumuno ang UBJP upang maituloy ang mga proyekto, programa, at reporma para sa pag-unlad ng rehiyon. Aniya, “Kailangan naming ituloy ang sinimulan naming pamamahala upang matiyak ang tuloy-tuloy na progreso sa Bangsamoro.”
Ipinahayag din ni Ebrahim ang kanyang kumpiyansa sa naging performance ng mga kasapi ng partido sa loob ng parliament at ng Bangsamoro Transition Authority.
Inaasahan niyang maibubuhos ng kanilang mga miyembro at tagasuporta ang “all-out” na suporta sa UBJP at sa adbokasiyang dala nito sa nalalapit na halalan.
Ang UBJP ay kilala bilang opisyal na partidong politikal ng MILF, na pangunahing nanguna sa pakikibaka tungo sa pagkakatatag ng BARMM.
Sa darating na BPE, inaasahang magiging sentro ito ng labanan sa pulitika ng rehiyon.