Malugod na sinalubong ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinagtitibay ang kanyang buong suporta at pagbibigay-prayoridad sa pagsasagawa ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Oktubre 13, 2025.

Ayon sa MILF, ang malinaw at tiyak na paninindigan ng Pangulo ay dapat magwakas sa mga haka-haka hinggil sa posibleng muling pagpapaliban ng halalan. Sa halip, nanawagan sila sa lahat ng sektor na magkaisa upang maisakatuparan ang malinis, maayos, at kapani-paniwalang halalan na tunay na maglalarawan ng mithiin ng mamamayang Bangsamoro.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang grupo sa Pangulo sa pagkilala nito sa kahalagahan ng makasaysayang halalan sa kabuuang proseso ng kapayapaan sa rehiyon. Tiniyak ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na mananatiling tapat ang kanilang hanay sa mga obligasyong nakapaloob sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Binigyang-diin ng MILF na matapos ang anim na taong transisyon, magsisilbing hudyat ng pagtatapos ng isang mahalagang yugto at simula ng bagong kabanata ang halalan, kung saan ang mga mamamayan mismo ang pipili ng kanilang mga lider nang walang panghihimasok mula sa labas.

Sa pamamagitan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), tiniyak ng MILF ang kanilang kahandaang sumailalim sa demokratikong proseso mula sa “bullets to ballots,” at tanggapin ang kalooban ng taumbayan sa isang mapayapa, patas, at malinis na halalan.

Ipinahayag din ng MILF ang kanilang buong tiwala sa pambansang pamahalaan at Commission on Elections (COMELEC) sa paghahanda para sa tagumpay ng halalan. Binigyang-diin na dapat malinaw na maiparating sa bawat botante, partidong pulitikal, organisasyong sektor, at kandidato ang mga bagong patakaran at proseso upang matiyak na maisasagawa ang eleksyon nang may integridad.

Ani Ebrahim, “Nakamasid ang buong bansa at maging ang pandaigdigang komunidad sa atin. Sama-sama nating gawing makasaysayan ang halalang ito para sa kasaysayang ating pinagsasaluhan.”