Mariing iginiit ng Moro Islamic Liberation Front na ang United Bangsamoro Justice Party lamang ang nag-iisa at opisyal nitong partidong pulitikal.

Sa inilabas na Memorandum Order No. 06, Series of 2026 ng Central Committee, nilinaw ng MILF na walang ibang partidong pinapahintulutan o kinikilala bukod sa UBJP.

Binigyang-diin din ng grupo na ang anumang pagtitipon, pagpupulong, o inisyatibang naglalayong magtatag ng panibagong partidong pulitikal, lalo na kung hinihikayat ang mga miyembro ng kanilang military o political committees ay hindi awtorisado at walang basbas ng MILF at UBJP.

Dahil dito, pinapayuhan ang lahat ng opisyal at miyembro ng MILF na maging mapagmatyag at iwasan ang pakikilahok sa mga aktibidad na maaaring magdulot ng kalituhan, pagkakawatak-watak, o maling representasyon ng kanilang organisasyon.

Babala pa ng pamunuan, maaaring patawan ng kaukulang parusa ang sinumang lalabag sa naturang direktiba matapos ang tamang proseso.