Muling binigyang-diin ng Moro Islamic Liberation Front Central Committee (MILF CC) ang kanilang pagtutol sa mga appointment na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) na hindi alinsunod sa listahang kanilang isinumite.
Sa isang resolusyon na pinagtibay noong Mayo 2, 2025, sinabi ng MILF na ang mga appointment, kabilang ang pagpapalit kay Ahod B. Ebrahim bilang Interim Chief Minister, ay ginawa nang walang konsultasyon at labag sa kanilang rekomendadong 41 miyembro na inaprubahan na sa nakaraang mga administrasyon.
Ayon sa MILF, labag ito sa kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at MILF, partikular sa Bangsamoro Organic Law, na nagsasaad na ang MILF ang nangunguna sa pamamahala ng BTA sa panahon ng transisyon.
Nanawagan ang MILF sa pamahalaan na respetuhin ang kanilang listahan upang mapanatili ang tiwala at kapayapaan sa rehiyon. Sa kabila ng kanilang pormal na liham kay Pangulong Marcos noong Marso 2025, wala pang sagot na natanggap mula sa Malacañang.
Pinayagan ng MILF ang paglathala ng resolusyong ito upang ipabatid sa publiko ang kanilang panig.