Umapela si MILF Vice Chairman at Chief Negotiator Mohagher Iqbal sa mga pambansang lider na huwag nang mag-entertain ng anumang panukalang muling ipagpaliban ang nakatakdang kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro na gaganapin sa Oktubre 2025.

Hiniling din ni Iqbal sa Commission on Elections (Comelec) at iba pang stakeholders na igalang ang itinakdang petsa ng halalan alinsunod sa batas. Aniya, panahon na upang makapili ang mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng mga regular na miyembro ng Parliament.

“Handa na kami sa eleksyon—manalo man o matalo,” mariing pahayag ni Iqbal, bilang pagpapakita ng kahandaan ng kanilang hanay na sumailalim sa demokratikong proseso.

Ginawa ni Iqbal ang pahayag matapos aniya nilang matanggap ang mga ulat na may ilang grupo umanong nagsusulong na naman ng panibagong pagpapaliban sa eleksyon, na dapat sana ay magsisilbing mahalagang hakbang tungo sa mas matatag na pamahalaang Bangsamoro.

Dagdag pa ni Iqbal, ang patuloy na pag-antala sa eleksyon ay maaaring makasama sa kredibilidad ng usaping pangkapayapaan at sa tiwala ng mamamayan sa demokratikong proseso sa rehiyon.