Sa gitna ng panawagan ng pagkakaisa at pagkakasunduan ng Pangulo, mariing ipinahayag ng mga babaeng lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang pagkadismaya sa pagkakatanggal ni Engr. Aida Silongan — ang tanging babaeng miyembro ng Central Committee ng MILF — sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Si Engr. Silongan ay kilala sa kanyang mahusay na serbisyo bilang Miyembro ng Parlyamento at dating kalihim ng Ministry of Science and Technology simula pa noong 2019.
Anila, ang kanyang pagkakaalis ay isang hakbang paatras sa laban para sa representasyon ng kababaihan sa Bangsamoro Governance.
“Hindi ito simpleng usapin ng posisyon — ito ay laban para sa tinig ng libu-libong babaeng MILF sa grassroots,” giit ng mga babaeng pumirma sa liham na ipinadala sa Pangulo.
Hiniling rin nila na muling repasuhin ang proseso ng pagtatalaga sa BTA at igalang ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law.
Dagdag pa nila, dapat matuloy ang kauna-unahang Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025 upang mapalakas pa lalo ang partisipasyon ng mamamayan sa pamahalaan.
“Ilugar ang kababaihan sa sentro ng kapayapaan — hindi sa gilid,” panawagan ng mga lider mula Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Davao at iba pang bahagi ng BARMM at Mindanao.