Hindi napigilan ni MILG-BARMM Minister Atty. Sha Elijah Dumama-Alba na ilabas ang saloobin sa patuloy na pag-uugnay ng kaniyang asawa sa isyu ng umano’y anomalya sa P680 milyong rice procurement ng kanilang ahensya.

“Nahihiya ako, bakit pati ang asawa kong nananahimik ay kailangan pang idamay,” mariing pahayag ni Dumama-Alba sa isinagawang press conference kaninang umaga.

Giit ng opisyal, natural lamang na makitang palaging kasama ng opisyal ang kanyang kabiyak dahil bahagi ito ng kanyang obligasyon bilang asawa. Ngunit ikinalulungkot niya na nagkakaroon agad ng malisyosong interpretasyon ang presensya nito.

Mariin ding itinanggi ng minister ang isyu ng umano’y dummy company na anila’y ginagamit daw umano ng mag-asawa para sa procurement.

Sa gitna ng mga akusasyon, nanindigan si Alba na bukas pa rin siyang humarap sa imbestigasyon upang linisin ang pangalan ng kanilang tanggapan at ng kaniyang pamilya.