Pinangunahan ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, ang makasaysayang Rido Settlement sa pagitan nina Commander Ali P. Damsik, kilala rin bilang “Boy Trenta,” at Commander Samad Simpal — kapwa kasapi ng 118th Base Command, MILF–BIAF sa pamumuno ni Commander Walid Tundok.

Ginanap ang pormal na pagpapakasundo sa Mango Groves, Talayan, sa presensya ni Maguindanao del Sur Governor Hon. Ali Midtimbang, mga opisyal ng militar, kapulisan, at MILF–Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH). Saksi rin sila sa panunumpa ng dalawang grupo sa banal na Qur’an bilang pagtitibay sa kanilang kasunduan.

Kasama sa panunumpa sa Qur’an ang mga sub-leaders mula sa 118th Base Command na sangkot sa girian, kabilang sina Razak Ismael, Mando Taha, Salipada Samad, Rasul Taha, Alimudin Kimbon, Abdul Abdulpatah, Muhidin Simpal, Pait Mohamad, Bano Mohamad, Dawi Murita, Datu Adam, Naser Hansa, Muhidin Abilusa, Ismael Manap, Norben Salik, Saparudin Mohamadali, Gani Guiaman, Nordz Tasil, Rasid Adam, at Kiti Silongan — bilang patunay ng kanilang pagsuporta at pagsang-ayon na wakasan ang hidwaan.

Dumalo rin mula sa security sector sina LTC Loqui O. Marco (CO, 90IB), LTC Al Victor C. Burkley (CO, 6IB), LTC Germen Legada (CO, 33IB), at PCOL Sultan Salman Sapal (Provincial Director, Maguindanao del Sur PPO). Kabilang din sa mga panauhin sina dating MP Datu Antao Midtimbang, Hon. Yasser Ampatuan (Board Member, MDS), Hon. Akmad Ampatuan (Mayor, Shariff Aguak), MP Butch Malang (Chairman, MILF–CCCH), at Commander Wahid Tundok (118BC, MILF–BIAF).

Binigyang-diin ni Governor Midtimbang na ang pagtutulungan at pagkakasundo ay magbubukas ng mas maliwanag na kinabukasan para sa lalawigan, at hinimok niya ang lahat na pairalin ang diwa ng pagkakaisa upang maiwasan ang muling pagputok ng anumang hidwaan.

Samantala, mariing inihayag ni Brig. Gen. Catu na anumang paglabag sa kasunduan ay magreresulta sa pagpapatalsik sa hanay ng MILF–BIAF, pagsasampa ng kaso, at posibleng operasyon ng militar laban sa lalabag. Dagdag pa niya, walang grupong dapat magbigay ng reinforcement upang hindi lumala ang gulo, at ang tanging layunin ng kasundaluhan ay mapanatili ang katahimikan sa lugar.

Ayon sa opisyal, ang pagtigil sa hindi pagkakaunawaan at ang pagtutulungan sa pagsusulong ng kapayapaan at seguridad ay mahalaga upang makamit ang mas matatag at maunlad na pamayanan.