Nadiskubre at ahukay ng tropa ng 36th Infantry Battalion sa ilalim ng 401st Infantry Brigade ang ilang matataas na kalibre ng baril at kagamitang pandigma sa Sitio Bato, Brgy. Bitaugan noong Marso 24, 2026.

Kabilang sa mga narekober ang tatlong high-powered firearms gaya ng Czech VZ rifle, 5.56mm Bushmaster Carbine, at 5.56mm Rock Island Carbine na pinaniniwalaang itinago sa naturang lugar.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng 36IB ang mga nasabing armas para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Pinuri naman ni 401st Infantry Brigade Commander Col. Glenn Joy Aynera ang tropa ng 36IB sa pamumuno ni Lt. Col. Joselito Ante Jr., kasabay ng pagkilala sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga residente sa operasyon ng militar.

Ayon sa opisyal, patunay ang naturang tagumpay sa epektibong kampanya laban sa insurhensiya at sa mahalagang papel ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan.

Matatandaang kamakailan lamang ay nakaengkwentro rin ng 36IB ang hinihinalang mga miyembro ng CTG sa Brgy. Nurcia, Lanuza kung saan dalawa ang na-neutralize at apat na high-powered firearms ang nasamsam.

Giit naman ni 4th Infantry Division Commander Maj. Gen. Michele Anayron Jr., unti-unti nang humihina ang kakayahan ng mga natitirang rebelde sa rehiyon, kasabay ng pagpapatuloy ng kanilang operasyon para sa kapayapaan at seguridad sa Northern Mindanao at Caraga.

VIA 4th Infantry “Diamond” Division, Philippine Army