Naharang ng magkatuwang na pwersa ng kapulisan at NBI sa kanilang Anti-Smuggling operations ang isang wing van na naglalaman ng mga smuggled o puslit na sigarilyo sa bahagi ng Barangay Awang, bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao Norte.
Ayon sa kapulisan, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang impormante na may wing van umanong daraan sa Barangay Awang kaya agad silang nagkasa ng operasyon.
Bigong magpakita ng mga legal na dokumento ang driver at pahinante ng nasabing wing van dahilan upang inspeksyunin ng kapulisan at NBI ang nasabing sasakyan.
Dito na tumambad sa kapulisan ang 100 na karton ng ibat ibang uri o klase ng sigarilyo na may estimadong halaga ng 2.6 milyong piso.
Napag-alaman pa na galing sa bayan ng Lebak sa Sultan Kudarat ang nasabing sasakyan na may plakang NEV 8383 at nakatakda sana itong ipuslit sa lungsod ng Davao.
Nasa tanggapan na ng NBI ang dalawang suspek kasama ang mga ebidensya na magdidiin dito.
Patong patong na kaso ang kakaharapin ng mga suspek kabilang na ang paglabag sa RA 4712 o Tariff and Customs Code ng bansa, ang batas laban sa pagpupuslit o Smuggling at iba pa.