Muling iginiit ng mga pinuno ng militar sa Mindanao ang kanilang suporta sa bagong pinuno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa kabila ng mga haka-haka tungkol sa pagkakahati ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ito ay matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Abdularaof Macacua bilang pansamantalang pinuno ng BARMM, kapalit ni Ahod Ebrahim. May ilang kasapi ng MILF na nagpahayag ng pangamba na hindi nasunod ang tamang proseso sa naturang appointment, dahilan upang lumutang ang espekulasyon ng posibleng kaguluhan sa rehiyon.

Sa magkahiwalay na pahayag, tiniyak nina Major General Donald Gumiran ng 6th Infantry Division at Joint Task Force, at Lieutenant General Antonio Nafarrete ng Western Mindanao Command ang kanilang paninindigan sa pagsunod sa batas at sa utos ng pangulo.

Ayon kay Nafarrete, nananatili silang nakatuon sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at ng Bangsamoro Organic Law.

Aniya, patuloy nilang susuportahan ang pamahalaang Bangsamoro upang matiyak ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Samantala, sinabi naman ni Gumiran na handa silang makipagtulungan sa bagong liderato ng BARMM, gayundin sa Philippine National Police at iba pang mga ahensya upang matiyak ang maayos na paglipat ng kapangyarihan at ang nalalapit na parliamentary elections.

Samantala, itinanggi ni dating Maguindanao del Sur Governor Esmael “Toto” Mangudadatu na may sigalot sa loob ng MILF.

Aniya, kinikilala ng lahat ang awtoridad ni Macacua, na dati nang nagsilbing gobernador ng Maguindanao del Norte bago italaga sa bagong posisyon.

Habang patuloy ang mga diskusyon ukol sa isyu, nananatiling mahalaga ang papel ng militar, pulisya, at iba pang stakeholders sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro region.