Nagbabala ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa mamamayang Bangsamoro hinggil sa mga di umano’y ilang indibidwal na humihingi ng bayad kapalit ng pagpoproseso ng kanilang aplikasyon sa AHME SP o Access to Higher and Modern Education Scholarship Program.
Ang babala sa publiko ay isinagawa ng ahensya dahil na din sa mga natatanggap na reklamo ng Tanggapan ng Directorate General for Higher Education hinggil dito.
Ayon sa MBHTE, simula ng maitatag ang AHME SP noong 2020, hindi sila at mahigpit nilang ipinagbabawal ang pangungulekta ng mga bayad sa aplikante dahil ito ay libre para sa lahat ng gustong sumali at kumuha ng programa.
Paalala naman ng ahensya sa publiko, wag magbayad at maniwala sa ilang grupo o indibiduwal na nag-ooffer ng mga programa dahil ito ay isang panloloko.
Hinikayat naman ng MBHTE ang publiko na kung sila ay nakaranas o makadiskubre ng panloloko gamit ang ahensya, wag magatubili na tumawag at magreport sa numerong 0905-1519-138 upang ito ay masolusyunan.