Isang babae ang nagsampa ng reklamo laban sa kanyang mister dahil sa matinding selos at galit—hindi sa ibang babae, kundi sa isang kuring o alagang pusa.
Ayon sa reklamo na isinampa sa Karnataka High Court sa lungsod ng Bengaluru, India, mas binibigyan umano ng oras, atensyon, at pagmamahal ng mister ang kanilang alagang pusa kaysa sa kanya bilang asawa.
Tuwing kinokonpronta raw niya ang mister, nauuwi ito sa pagtatalo at pambabastos. Dagdag pa ng misis, ilang ulit na rin umano siyang kinalmot ng pusa, ngunit wala raw ginagawang aksyon ang kanyang mister.
Pero ayon kay Justice M. Nagaprasanna, wala namang tiyak na alegasyon ng harassment laban sa mister. Sa halip, nakatuon lang daw ang reklamo sa sama ng loob ng misis sa alagang pusa na mas pinagtutuunan ng pansin ng asawa.
Aniya, “Ang reklamo ay salaysay lamang ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, pero ang pinakaugat ng isyu ay ang pagtatalo ukol sa alagang pusa sa bahay ng lalaki. Ang paratang ay mas inaalagaan daw ng mister ang pusa kaysa sa asawa.”
Dahil sa pagiging kakaiba ng reklamo, hindi na ipinagpatuloy ng korte ang imbestigasyon laban sa mister. Sa halip, pinagsabihan pa ang misis dahil ang kanyang reklamo ay itinuturing na maliit at personal na isyu sa tahanan.
Giit pa ng korte, ang mga ganitong uri ng petisyon ang dahilan kung bakit nababalam ang hustisya sa India.
Aniya, “Ito ang klase ng mga walang saysay na kaso na bumabara sa sistema ng hustisya. Kung papayagan pa ang imbestigasyon sa ganitong reklamo, madaragdagan lang ito sa napakarami nang kaso sa ating mga hukuman.”