Isang buwan matapos ang pagluluksa, muling nabuhay ang kirot at katanungan sa pagkamatay ng 2 years old and 11 months na si Czanaia Kiara Bermejo matapos ibunyag ng kanyang ina na si Kristine Flores ang nakapangingilabot na resulta ng medico-legal autopsy: “Asphyxia by Smothering; Sexual Abuse.”

Sa kanyang emosyonal na Facebook post, ibinuhos ni Kristine ang lahat—mula sa masayang pagpasok ni Kiara sa paaralan, sa biglaang pagkawala nito, hanggang sa pagkakadiskubre ng guro na palutang-lutang na ang bata sa isang swimming pool na malayo at wala sa loob ng nasabing paaralan.

Una, simple lamang umano ang paliwanag: drowning o pagkalunod. Ngunit hindi kumbinsido si Kristine. Kaya’t nag desisyon siyang ipasailalim sa mas masusing pagsusuri ang bangkay ng kanyang anak, lumabas ang isang mas masakit at mas nakapangingilabot na katotohanan — hindi siya nalunod, kundi pinaslang.

“Tiniis naming itago at tanggapin ang sakit, pero nang lumabas ang autopsy, hindi na ako mananahimik. Hustisya ang sigaw ko para kay Kiara,” ani Kristine sa kanyang post.

Bukod sa paglalantad ng katotohanan, sinagot din ng ina ang mga bashers na umano’y tinawag siyang pabaya. Mariin niyang iginiit na buong puso niyang inalagaan ang anak at hindi siya karapat-dapat husgahan ng mga hindi nakakaalam ng totoo.

Samantala, bilang tugon sa sinapit ng pamilya, nagpaabot na ng tulong pinansyal at moral ang lokal na pamahalaan ng Pigcawayan upang maibsan ang dinaranas na hirap ng pamilya Bermejo.

Ngayon, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, nananatiling bukas ang sugat sa puso ng isang ina na nawalan ng anak sa paraang hindi kailanman matatanggap. At sa bawat panalangin, sa bawat hikbi, muling umuugong ang tanong: Hanggang kailan maghihintay ng hustisya si Kiara?