Naaresto ng tropa ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) ang isang miyembro ng lokal na teroristang grupong Dawlah Islamiyah – Hassan Group matapos itong masugatan sa engkwentro na naganap pasado alas-5:40 ng umaga noong Hunyo 22, 2025, sa Barangay Alamada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Kinilala ang nadakip na terorista bilang si Kamsa Budjal, na gumagamit din ng mga alyas na “Ustads,” “Ali,” at “Oding.” Si Budjal ay kabilang sa iilang natitirang kasapi ng DI-Hassan Group, isang extremistang armadong grupo na patuloy nang humihina bunsod ng pinaigting na opensiba ng militar laban sa kanila.
Batay sa ulat ni Brigadier General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 1BCT, nasugatan si Budjal sa naging palitan ng putok sa pagitan ng kanilang grupo at ng mga sundalo. Kaagad umano itong naaresto matapos ang isinagawang operasyon ng militar.
Sa lugar ng engkwentro, narekober ng tropa ng pamahalaan ang isang M653 rifle, isang M16 AI, isang shotgun, mga medical paraphernalia, bala, magasin, ilang cellphone, mga sangkap para sa paggawa ng improvised explosive devices (IEDs), mga subersibong dokumento, at iba pang kagamitan.
Bagama’t kabilang sa mga kalaban ng estado, agad isinailalim sa medikal na atensyon si Budjal, ayon kay Brig. Gen. Cagara. Aniya, ito ay patunay ng makataong pagtrato ng sandatahang lakas, kahit sa mga itinuturing na banta sa seguridad. Dagdag pa niya, ang pagkakadakip kay Budjal ay malaking dagok sa naturang grupo at nakapigil din sa posibleng planong karahasan laban sa mga komunidad.
Pinuri naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at pinuno ng Joint Task Force Central, ang tagumpay ng naturang operasyon.
“Ipinakita ng ating tropa ang mataas na antas ng propesyonalismo at dedikasyon sa serbisyo. Ang matagumpay na operasyong ito ay isang panibagong hakbang sa ating patuloy na kampanya laban sa terorismo at sa pangangalaga sa seguridad ng ating mamamayan,” ani Maj. Gen. Gumiran.
Hinimok din nito ang mga natitira pang kasapi ng DI-Hassan Group na isuko na ang kanilang armas at mamuhay nang mapayapa, aniya, “nasa kanilang mga kamay ang pagkakataong magbago at makiisa para sa kapayapaan ng rehiyon.”