Humiling ang Moro National Liberation Front (MNLF) ng inklusibong dialogo at kooperasyon sa Sulu matapos aprubahan ang Sangguniang Panlalawigan ng Resolution No. 83-2025 na tumutol sa presensya ng MILF at Bangsamoro Islamic Armed Forces sa probinsya.

Ayon sa MNLF, bagama’t nauunawaan nila ang responsibilidad ng Sulu provincial government sa seguridad, mahalagang igalang ang decades-long Moro struggle para sa pagkakaisa at self-determination.

Binanggit din nila na ang Sulu ay mahalagang bahagi ng Bangsamoro homeland at ang hindi pagsali nito sa BARMM ay nagdulot ng kalituhan at tensyon.

Hinihikayat ng MNLF ang Sulu government na solusyunan ang isyu sa pamamagitan ng inklusibong pakikipag-ugnayan sa lahat ng Moro fronts, pambansang security agencies, at peace process mechanisms. Humihiling din sila sa OPAPRU na mamahala at magbigay gabay upang mapanatili ang kredibilidad ng peace agreements.

Ani MNLF, ang laban ng Moro ay hindi tungkol sa teritoryo o kapangyarihan ng isang grupo, kundi sa dignidad, katarungan, at pagkakaisa ng lahat ng Moro. Nanawagan sila ng kooperasyon sa MILF at lokal na pamahalaan para sa mapayapa at maunlad na Sulu.