Pinupuri ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa pangunguna ni Bai Almirah Raguia, RN, kasama sina Mr. Mohammad Al-Mospin Q. Milanes, RN, Ms. Noria Juanday, RN, at Ms. Aya Al-Ani, RN, dahil sa kanilang maagap at mahusay na pagsisiyasat sa kaso ng pagkalason dulot ng tuyong butete sa Lamitan City, Basilan.
Kasama rin sa pagtugon ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Lamitan sa pamumuno nina Ms. Norma Saidali, RN, Ms. Nasiba Masuhul Muhirin, RN, at Ms. Mhisra Pauh, RN. Sa mabilis na pagkilos at koordinasyon ng mga team na ito, matagumpay nilang natukoy ang pinagmulan ng outbreak, nabigyan ng agarang tulong ang mga pamilyang apektado, at nakapagbigay ng babala sa publiko hinggil sa panganib ng pagkain ng butete.
Itinampok ang kanilang masigasig na gawain ng Training Programs in Epidemiology and Public Health Interventions Network (TEPHINET) at ipinresenta sa SAFETYNET Scientific Conference sa Kuala Lumpur. Isinasaad ng pagkilalang ito ang kanilang kahusayan sa agham pangkalusugan at ang matatag nilang paninindigan sa pagpapanatili ng kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan sa Bangsamoro.