Tatlong hinihinalang motornappers ang nahuli ng mga pulis sa isang entrapment operation matapos makipagtransaksyon sa mismong may-ari ng ninakaw na motorsiklo kahapon, Nobyembre 16.

Nagpanggap bilang buyer si Norsahid Dimalen Guimalodin, 25, residente ng Barangay East Patadon, Kidapawan, upang makita at matukoy ang mga suspek na nagbebenta ng kanyang Honda CFT125MRL motorcycle na nawala noong Setyembre 1 bandang 10:30 ng gabi sa harap ng Amas Capitol Compound, Kidapawan City.

Natuklasan ng biktima ang post sa online Marketplace, kaya agad siyang nakipag-ugnayan sa pulisya para sa operasyon. Pagsapit ng alas-10:00 ng umaga, sinamahan siya ng mga operatiba at matagumpay na nahuli ang tatlong suspek sa 7-Eleven sa Poblacion, Matalam.

Kinilala ang mga naaresto bilang sina Samer Patugan Salik, 26, ng Manaulanan, SGA-BARMM; Montamer Esmael Salik, 25, taga Takepan, SGA-BARMM; at Abdul Dalingawen Jomar, 24, taga Dalingaoen. Nabawi rin ang motorsiklo na nakarehistro sa pangalan ni Moctar Totin Abid ng Pisan, Kabacan, Cotabato.

Patuloy ang imbestigasyon at inihahanda na ang kaso laban sa mga suspek. Muling nanawagan ang pulisya sa publiko na maging maingat sa pagbili ng second-hand na sasakyan at agad iulat ang kahina-hinalang transaksyon.