Nasawi ang isang lalaki matapos sumemplang ang kanyang minamanehong motorsiklo pasado alas-3:30 ng madaling araw kahapon, Setyembre 3, sa kahabaan ng National Highway, Barangay Liwanay, Banga, South Cotabato.

Kinilala ng Banga MDRRMO ang biktima na si Benmark Blahing Sugal, 27-anyos, residente ng Lake Sebu, South Cotabato.

Sakay ng kanyang Rusi 150 motorcycle, nawalan umano ng kontrol ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan. Agad siyang dinala sa ospital ngunit idineklara nang dead on arrival.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang alamin ang iba pang detalye kaugnay sa aksidenteng ikinasawi ni Sugal.