Mariing pinuna ni Kitem Kadatuan Jr. ang naging pahayag ni Allanudin Sulaik Hasaan, kaugnay ng isyu ng umano’y pagtawag na “weak-willed” sa ilang kumander.

Ayon kay Kadatuan, hindi pa man umano nagsisimula ang inaasahang public debate ay tila natapos na agad ang usapin dahil sa naging pahayag ng abogado na aniya’y patunay ng kakulangan ng respeto sa sakripisyo ng mga Mujahideen.

Iginiit din ng mambabatas na bago pa man siya makapaglahad ng panig sa isang debate, ay nauna na umanong tinawag ng abogado na “weak-willed” ang ilang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front kabilang ang mga front commander at base commander.

Sa huli, sinabi ni Kadatuan na para sa kanya ay malinaw na ang isyu, sabay giit na napatunayan na umano ang kanyang punto hinggil sa kakulangan ng respeto at kawalan ng pagsisisi sa naturang pahayag.