Muling bumisita sa opisina ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua si Member of Parliament (MP) Commander Abdullah “Bravo” Macapaar upang personal na makipagkumustahan at makipagpalitan ng pananaw ukol sa mga isyung mahalaga para sa kapakanan at pag-unlad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kanilang pagpupulong, tinalakay ng dalawang lider ang mga kasalukuyang isyu at adbokasiya para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon. Ayon kay Chief Minister Macacua, ang patuloy na dayalogo at bukas na ugnayan sa pagitan ng mga lider ay mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng tunay na pagkakaisa at progresibong pamamahala sa Bangsamoro.
“Patunay ito na iisa ang ating hangarin—ang makamit ang isang mas mapayapa, mas maayos, at Mas Matatag na Bangsamoro,” ani Macacua sa kanyang opisyal na pahayag sa social media.
Ang nasabing pag-uusap ay itinuturing na mahalagang senyales ng patuloy na pagtutulungan ng mga lider sa Bangsamoro sa gitna ng mga pagsubok, habang pinapalakas ang pundasyon ng kapayapaan at inklusibong pag-unlad sa rehiyon.