Isinagawa kahapon, Hunyo 4, ang Municipal Peace and Order and Public Safety (MPOPS) Meeting sa municipal gym ng South Upi, Maguindanao del Sur sa pangunguna ni Mayor Reynalbert Insular.

Layunin ng pagpupulong na talakayin ang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa bayan, partikular na ang mga isyu ng seguridad sa mga pamayanang katutubo. Kabilang sa mga dumalo ang mga lider ng Indigenous Peoples (IP), mga Barangay IPMRs, at mga kapitan ng barangay.

Binigyang pagkakataon ang bawat isa na magsalita, ihayag ang kanilang mga saloobin, at ilahad ang mga hinaing at suhestiyon. Isa sa mga pangunahing usapin ay ang ulat ng pagbabanta sa ilang miyembro ng IP community.

Ayon kay Mayor Insular, inatasan na niya ang mga kaukulang awtoridad na tukuyin ang pinagmumulan ng mga banta upang agad na matugunan at mabigyan ng nararapat na aksyon.

Hinimok din ng alkalde ang mga barangay captain na aktibong ikutan ang kanilang mga nasasakupan upang alamin ang tunay na kalagayan ng mga residente. Ngunit ayon sa ilang kapitan, wala umano silang natatanggap na ulat ng pagbabanta sa kanilang mga barangay.

Matatandaang may 36 na IP leaders at miyembro ang nagsumite ng liham na nagsasaad ng kanilang pangamba sa mga natatanggap nilang banta sa buhay, dahilan upang mabigyan ito ng agarang pansin.

Dismayado naman ang mga kasapi ng kapulisan at militar dahil hindi kaagad naiparating sa kanila ang naturang ulat. Anila, kung napaaga ang pagsasabi, sana’y naprotektahan agad ang mga apektadong indibidwal.

Ngayong nalaman na ng mga awtoridad ang sitwasyon, tiniyak nilang paiigtingin pa ang seguridad at pagbabantay sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na tinitirhan ng mga kapatid nating katutubo.